KINANSELA na ng Philippine Overseas Employment Agency ang lisensya ng 21 recruitment agencies samantalang suspendido naman ang 14 pa, dahil sa samu’t saring mga kaso ng paglabag sa batas ng pangangalap ng mga OFW patungo sa ibayong dagat.
Sa panayam ng Bantay OCW kay POEA Administrator Hans Leo Cacdac sa Radyo Inquirer 990 AM, idinagdag pa niyang nagsampa na ng kaso ang POEA laban sa Philglobal Manpower Development Corporation; CSM International Recruitment Services, Inc.; Gyron Crew, Inc.; Crosswind International Manpower Services at Acclaimed One Manpower and Recruitment Services.
Ayon pa kay Cacdac, kinasuhan ang mga ahensyang ito dahil hindi nasunod ang ilang patakaran ng POEA at nilabag ang Republic Act 10022, ang batas na nagbibigay proteksyon at karapatan ng OFW at maging sa pamilya nito.
Kanselado ang lisensya ng mga ahensiyang EMR Construction and Manpower Services Inc.; Tai-Fil Manpower Services Corporation; Lucky International Placement Services, Inc.; Jems International Placement Agency Corp.; Masaya International Placement Agency; Prime Stars International Promotion Corporation; Dreams Manpower and Recruitment Agency; G & D Manpower International, Inc.; Green Manpower Management and Development Services; Asahi International Manpower Corp.; Multi-System Conexions International, Inc.; Petra Personnel Employment and Technical Recruitment Agency, Inc.; RV Tria International Recruitment Agency; Hope International Agency; Jerphi Overseas Placement and Trading Corp.; LPN Manpower Services Inc.; Ritz Manpower Services; Northwest Placement Inc.; Active Manpower and General Services; Gold & Green Manpower Services and Development Services at Acclaimed One Manpower & Recruitment Services.
Sinabi ni Cacdac na ‘di maaaring makapag-recruit ang mga manning at recruitment agency na kanselado at suspendido ang lisensya, hanggat ‘di binabawi ang kautusan.
Sinuspinde naman ng POEA ang lisensya ng mga sumusunod na ahensya: Al Ashiera Int’l Manpower Services; Vogue Plus Promotion; Mi Amore Int’l Services, Inc.; Awas Manpower Services at Crosswind International Manpower.
Samantala, nagpalabas din ng suspension order ang POEA laban sa Reajent Manpower Services, Inc.; Shfia Int’l; Crosswind Int’l. Manpower; Gyron Crew Inc.; CSM Int’l; Philglobal Manpower Development Corp. at Riley International Employment Services and Training Center, Inc.
Kinansela man o suspendido ang kanilang mga lisensya, napaparusahan nga ba ang mga may-ari ng mga ahensyang ito na siyang nambibiktima sa mga kawawa nating kababayan na nais lamang magtrabaho sa ibayong-dagat para lang kumita ng malaki at mabigyan ng magandang buhay ang kanilang mga pamilya?
Nasaan nga ba sila? Patuloy pa ring nagpapasasa sa mga salaping nakukulimbat nila sa mga OFW habang nakabaon ang mga ito sa utang at patuloy na nagbabayad.
Sa 15 taon ng Bantay OCW sa pagharap sa mga hinaing ng ating mga OFW, nakalulungkot mang isipin, mahirap maipakulong ang may-ari ng mga ahensyang ito bukod sa gumagamit sila ng dummies bilang mga opisyal nila at siyang tuwirang pinapanagot sa mga paglabag na ito ngunit hindi naman naparurusahan at nakukulong.
Matapos makansela ang kanilang mga lisensya, mga ilang buwan lamang, magtatayo o magbubukas na naman ng panibagong mga recruitment agency ang mga ito upang muli na namang mambiktima ng ating mga OFW.
Pabiro pa ngang nasabi ni Administrator Cacdac, may mga nakakulong na namang mga illegal recruiter ngayon, ngunit maging sa loob ng kulungan bumubuo ng grupo ang mga ito upang patuloy pa rin silang makapagsagawa ng kanilang illegal recruitment operation.
Hangad ng Bantay OCW na maipakulong ang mga may-ari ng recruitment agency na ito na patuloy na nagkukubli sa lisensya ng kanilang mga tanggapan na patuloy namang gumagawa ng mga iligal.
Source: http://www.remate.ph/2012/05/tiwaling-may-ari-ng-mga-recruitment-agency-dapat-makulong/