TATLUMPUNG kababaihan, kabilang na ang 14 na menor de edad, ang nailigtas ng pamahalaan sa kuko ng human trafficking sa lalawigan ng Pampanga.
Sa isang kalatas, sinaklolohan ng Inter Agency Council Against Trafficking (IACAT) ang mga kababaihan sa isang bar sa Barangay Balibago, Angeles City noong Abril 2.
Nailigtas ang mga biktima sa tulong ng International Justice Mission (IJM), isang pribadong samahan na tumutulong sa mga naging biktima ng human trafficking at child labor.
Ayon sa imbestigasyon, ni-recruit ang mga biktima sa mga lalawigan ng Tacloban, Tarlac at Samar upang magtrabaho bilang mga waitress subalit binubugaw umano ng may-ari ng bar sa kanilang mga parokyano.
Naniniwala rin ang IACAT na ang lalawigan ng Pampanga ay ginagawa na ngayong kuta ng operasyon sa human trafficking, child pornography at prostitusyon dahil na rin sa maunlad na ekonomiya nito at pagkakaroon ng isang pambansang paliparan.
Ayon naman kay Justice Undersecretary Jose Salazar, hindi magtatagumpay ang operasyong mailigtas ang mga kababaihan kung hindi sa tulong ng IJM.
Umaasa rin si Salazar na ang aktibong pakikiisa ng organisasyon sa pamahalaan upang labanan ang human trafficking sa bansa ay magdudulot ng positibong pagbabago para matanggal ang Pilipinas sa rango bilang Tier 2 sa watchlist ng US State Department.
Source:http://www.remate.ph/2012/04/37-biktima-ng-human-trafficking-nailigtas-sa-pampanga/