MANILA, Philippines - Nagsisimula ang lahat sa isang mahapdi at halos pamilyar nang kwento. Mangangako ang isang kaibigan ng kaibigan sa isang dalagitang laki sa hirap ng trabahong malaki ang sahod bilang weytres sa ibang bansa. Sa gulat at tuwa sa laki ng halaga, madali s’yang papayag. Bakit naman s’ya tatanggi sa isang alok na tutulong sa kanyang pamilya?
Mabilis na naihanda ang papeles. Patungo siya sa Gitnang Silangan pero dadaan muna sa Malaysia bilang stow-away. Sasakay siya sa bangkang de motor sa pagdapo ng takipsilim nang hindi makita ng Coast Guards mula Tawi-Tawi patungong Sabah.
Sa ilang saglit, makikita n’ya ang sarili sa loob ng isang madilim at masikip na lugar, nakaposas. Bibigyan siya ng isang malaking kahon ng condoms at sasabihang ito ang kanyang quota para sa araw- kung gusto man n’yang makakain. Sa panahong iyon, huli na ang lahat: isa na namang biktima ng human trafficking.
Libu-libo ang biktima ng human trafficking sa Pilipinas taun-taon. Sa kabila ng napakalaking gastos sa pagsagip at pagmamatyag sa mga raket na ‘to, hindi kukulangin sa 16,814 babae ang nasagip na ng mga ahensya ng gobyerno. Sa kasamaang palad, 72 traffickers lang ang nahatulan at 42 lang ang nausig sa ilalim ng administrasyon ni P-Noy.
Kung ang mga bilang na ‘to ay nakakapanghina ng loob, tandaang mas maraming nahatulan sa dalawang taon ng panunungkulan ni P-Noy kaysa sa siyam na taong pamumuno ng kanyang sinundang administrasyon. Kaya nga noong isang taon, ang Pilipinas ay naitaas sa Tier 2 status mula sa Tier 2 Watch List.
Pero ano nga b’ang situwasyon ang nagpapalala ng human trafficking? Karamihan sa biktima ay mahirap, kapos sa edukasyon, walang trabaho, at desperadong naghahanap ng pagkakataong mangibang bansa. Karamihan ay nabibiktima ng illegal recruiters at ipinapadala sa mga bansang ipinagbabawal ang mga Pinoy OFWs.
Nakakapanlumo na nananatili silang ‘di protektado sa’ting lipunan – magulang, kaibigan, guro, opisyal ng immigration, at mga may kinauukulan sa mga paliparan at daungan – na ‘di dapat magbulag-bulagan sa kanilang pangangailangan. Sa totoo, masasabing pinagtaksilan sila ng sistema.
Ngunit sa kabila ng mga kwento ng trahedya ay may naghihintay na pag-asa. Maigting ang mga hakbang ng administrasyong Aquino upang labanan ang human trafficking. Ang pandaigdigang estratehiya laban sa trafficking ay nakabatay sa “4Ps” – Partnership, Prevention, Prosecution at Protection. Ito rin ang estratehiya ng pamahalaan natin sa loob at labas ng bansa.
May Women & Children’s Complaint Desk ang Philippine National Police na nagsanay nang 3000 tauhan para kilalanin ang mga nabiktima.
Ipinasasara ng Department of Labor and Employment ang mga lugar aliwan sa bansa (“entertainment spots”) na nagbibingit sa kabataan sa prostitusyon.
Sa labas ng bansa, ang Department of Foreign Affairs (DFA) ay nakikitungo sa iba’t ibang gobyerno at sa lahat ng OFW, kasali na ang mga na-recruit na labag sa batas o na-traffic.
Ang Bureau of Immigration ang namamahala sa mga rekisito ng paglalakbay palabas ng bansa, humuhuli sa mga pinaghihinalaang trafficker, at mabusising pinag-aaralan ang modus operandi ng mga sindikato sa trafficking.
May 24/7 action line ang Commission on Overseas Filipinos na nakatuon sa paglaban sa trafficking.
Para sa mga naililigtas, ang Department of Social Welfare and Development ay may 42 na kanlungan sa buong bansa na tumutulong sa rehabilitasyon at nagsisilbing ligtas na tuluyan ng mga biktima pagbalik ng bansa.
Ngunit bakit napakarami pa ring biktima ng trafficking, at papaano ito ginagawa ng mga traffickers? Tingnan natin ang Syria.
Nababalitang ang mga aplikante ay gumagamit ng pekeng affidavit of support para makakuha ng visa.
Ang Bureau of Immigration ay obligado ngayong aninawin ang bawat transaksyon pero meron pa ring nakakalusot na bayaran sa paglakad ng papeles.
Higit sa 1000 Pinoy ay naibalik na mula Syria simula noong Marso 2011. Ngunit nakakaalarmang 90% ng 204 na bumalik noong Enero 2012 ay walang papeles; 99% ang na-traffic; 93 katao ay wala sa database ng Immigration; at 29 sa 95 na pasaporte ay may pekeng Departure Border Stamps.
Human trafficking ang ikatlong pinakamalaking krimen sa mundo – kumita ng $15 bilyon noong isang taon – ikatlo lamang sa pangmundong pangangalakal ng droga at sandata. Kailangang magsimula ang paghadlang sa mga bansang pinagmulan; lahat tayo ay nakabungad sa labang ito.
Ano ang pwede nating gawin?
Kung namimiligro ka o may kilalang biktima ng trafficking, tumawag sa 1343 Hotline. Kung nag-aapply bilang domestic helper, huwag piliin ang mga bansang kilalang nang-aapi ng Pinoy, at mga bansang pinagbabawal puntahan ng DFA. Kung nag-aapply sa recruitment agency, siguraduhing lisensyado ng Philippine Overseas Employment Agency at may active job order (madali itong makita sa POEA website).
Sa probinsya, tandaang kailangan may provincial recruitment authority ang recruitment agency. Huwag makipag-transaksyon sa labas ng opisina ng agency o magtiwala sa kahit sinong hindi pormal na kinatawan ng lisensyadong agency.
Bayaran lamang ang lehitimong placement fee, bukod sa gastos sa documentation at processing. Magbayad lamang ng placement fee kung may employment contract at official receipt ka na.
Huwag maniwala sa mga ads o brochure na pinapadala ang bayad para sa pag-proseso ng papeles sa Post Office Box address.
Huwag makitungo sa training centers at travel agencies na nangangako ng trabaho sa labas ng bansa, lalo na sa mga fixers. Huwag tumanggap ng tourist visa kung magta-trabaho abroad.
Nangangako ang pamahalaang uusigin ang mga taong nambibiktima, subalit kailangang tumulong ang lahat na masawata ang mga gawaing may kinalaman sa human trafficking. Priyoridad ng gobyerno ang pagbibigay ng edukasyon, trabaho at ibang oportunidad sa Pilipinas. Ngunit habang kulang pa rin ang mga trabaho, kailangang alisto ang madla.
Si Pangulong Aquino ay nangakong linisin ang mga ahensya ng gobyerno, ngunit kailangan rin pangalagaan ang sarili. Pagpursigihan ang trabahong pinapangarap, ngunit mag-ingat na hindi mahulog sa bangungot na dinanas ng ibang kababayan. Sa huli, bukod sa ‘di makataong kundisyon at mga sinalantang buhay, bukod sa mga paghihirap na pisikal at sekswal; ang pinakamalupit dahas sa lahat ay ang pagkawala ng karangalan na walang habas na ninanakaw ng human trafficking.
Source:http://www.philstar.com/Article.aspx?articleId=790119&;publicationSubCategoryId=92