ANG nalalaman kong isa sa mga rason kung bakit may mga embahada tayo sa ibang bansa ay upang tumulong sa mga Pilipinong naroroon, lalu na yung mga expatriate workers.
Pero nakalulungkot na sa layunin ng pamahalaan na makapagtipid, may sampung mga embahada at konsulada na karamihan ay nasa Europa ang balak isara ng pamahalaan.
Ang mga Pilipino ay matatawag nang citizens of the world dahil saan mang lupalop ng mundo ay naroroon sila. Sila ay tinatawag pang bagong bayani dahil pinagmumulan daw ng pinakamalaking supply ng dolyares para sa kaban ng bayan.
Batid natin na halos araw-araw ay may kaso ng mga Pilipinong dumaranas ng pang-aabuso sa ibang bansa. Yung iba’y pinapatay kundi man nagpapakamatay. Sino ang maaasahang tumulong sa mga ito kung wala tayong embahada sa bansang kinaroroonan nila?
Kaya katig tayo sa pagtutol ng ilang mambabatas tulad ni Senator Ralph Recto sa panukalang isara ang may 10 embahada at konsolada ng Pilipinas. Mala-king disservice ito sa mga expat workers natin sa mga apektadong bansa.
Tama si Recto sa pagsasabing “This is a wrong cost-cutting strategy,” ani Recto. Ipinunto pa ng senador na hindi dapat ituring na hindi kailangang “budgetary expense” ang ginagastos ng gobyerno sa mga embahada at konsolada kundi isang investment.
Lumalabas kasi na parang unnecessary expense ang pagmamantine ng mga embahadang ito gayung kailangan sila ng ating mga kababayang Pilipino doon. Tinatayang P100 milyon hanggang P150 milyon ang matitipid ng gobyerno kung isasara ang mga naturang embahada at konsulada. Pero kung iisipin natin, napakalaking bilyones ang kontribusyon ng mga OFW sa kaban ng bayan. Halagang nakatutulong ng malaki para tustusan ang mga gastos ng pamahalaan. Bakit titipirin ang OFWs?
Sana’y pakaisipin ng pamahalaan bago ipatupad ang planong ito. Kung sad-yang mga bagong bayani ang mga OFW, marapat lamang natin silang pagmalasakitan.
Source:http://www.philstar.com/Article.aspx?articleId=786164&;publicationSubCategoryId=94