Kapahamakan ang inabot ng isang aplikanteng Pinay matapos umanong gahasain ng Indian national na manager ng isang kumpanya sa Dubai.
Humarap sa Dubai Court of First Instance nitong Linggo (Pebrero 19) ang 24-anyos na Indian national subalit itinanggi nito ang akusasyon laban sa kanya ng 24-anyos din na biktimang Pinay.
Ayon sa akusado, hindi niya ginahasa ang Pinay at sa halip ay “consensual sex” umano ang nangyari sa kanila. Nakipagkasundo umano ang Pinay na makipagtalik sa kanya kapalit ng Dh4,000 pero Dh500 lamang ang napasakamay nito kaya nagreklamo, giit pa ng akusado.
Nahaharap sa mga kasong kidnapping, rape at threat ang Indian manager.
Nabatid na lumipad patungong Dubai ang Pinay sa pagbabaka-sakaling makahanap ng maayos na trabaho at nakabase rin sa naturang lugar ang kapatid nitong babae.
Ipinaskil umano ng Pinay ang kanyang resume sa isang website ng job advertisements at makalipas ang apat na araw ay kinontak siya ng akusado at sinabihan na nangangailangan ng staff ang kanilang kumpanya.
Subalit sa halip na sa opisina, sa bahay umano ng akusado dinala ang Pinay at doon isinagawa ang panghahalay.
Nang makawala sa poder ng akusado, agad na nagsumbong sa Jebel Ali Police Station ang Pinay kasama ang kanyang kapatid.
Muling itinakda ang pagdinig ng kaso sa Marso 11.
Source: http://www.abante-tonite.com/issue/feb2112/crime_story06.htm