Hinatulan ng parusang kamatayan ng Kuwait Criminal Court ang isang mag-asawang Kuwaiti matapos mapatunayang nagkasala sa halos araw-araw na pag-torture hanggang sa brutal na pagpatay sa isang Filipina domestic helper.
Inilabas ng Kuwaiti court ang hatol nitong Linggo (Pebrero 19) laban sa hindi pinangalanang mag-asawa na kapwa hinatulan sa first degree murder.
“This sentence is a testimony of justice and comes in line with all religious canons which call for punishment of murder for criminals,” pahayag ng abogado ng biktimang Pinay DH na si Atty. Fawziya Al-Sabah sa ulat ng isang lokal na pahayagan sa Kuwait kahapon.
Noong kalagitnaan ng buwan ng Hulyo, taong 2010, nabunyag ang halos araw-araw na pag-torture sa biktimang Pinay na si Asria Samad Abdul, 34-anyos, sa kamay ng malulupit nitong employer.
Sagad hanggang buto umano ang pag-torture ng mag-asawa hanggang sa tuluyang napatay ang Pinay matapos na ilang beses na sagasaan at gulungan ng kotse.
Itinago pa ng mag-asawa ang bangkay ng biktima sa disyerto o ilang na lugar sa Kabd area. Nang madiskubre ang sinapit ng Pinay ay umamin naman ang mag-asawa sa nagawang krimen.
“(Murderers) confessed they maltreated the maid on a daily basis and when they feared that the housemaid would die, they took her in their car to the stables area and crushed her to death under their vehicle to give an impression that she was run over by a motorist,” ayon pa sa ulat.
Bukod sa pagpapahirap at pagpatay sa Pinay, nadiskubre rin ng Kuwaiti Police na marami nang iba pang housemaids ang minaltrato ng mag-asawa.
Samantala, igigiit din umano ng kampo ng biktima na mabigyan ng kompensasyon para sa kapakanan ng mga anak nito na naulila dahil sa karumal-dumal na pagkamatay ng kanilang ina.
Ipinahayag naman ni Philippine Vice Consul to Kuwait Rea Oreta na umaasa sila na ang nakamit na hustisya sa kaso ni Asria ay magbibigay-daan din para maresolba ang iba pang kaso ng mga overseas Filipino workers (OFWs) na nakikipaglaban sa kanilang kapakanan at karapatan sa nasabing bansa.
“We were confident on the impartiality of Kuwaiti justice system and the capability of Sheikha Fawzia Al-Sabah to uphold justice for the late Asria Abdul,” komento ni Oreta.
Source: http://www.abante-tonite.com/issue/feb2112/crime_story01.htm