UMABOT na sa 53 overseas Filipino workers (OFWs) mula Riyadh, Saudi Arabia at Syria ang nakabalik na ng bansa makaraang dumating sa magkakahiwalay na flights ang mga ito sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1, kamakalawa ng gabi.
Unang dumating sa bansa ang 31 OFWs na nakaranas ng pagmamaltrato mula sa kani-kanilang mga amo lulan ng Emirates Airlines (EK-332) mula Syria kung saan sinundan ito ng 22 sakay naman ng Etihad Flight EY-428 bandang 10:30 ng gabi mulang Riyadh, Saudia Arabia.
Ayon kay Malvin Sangco, isa sa mga OWWA representative na nakabase sa NAIA, tuloy-tuloy ang pagbibigay ng assistance sa lahat ng mga OFW, partikular ang nasa Middle East mula nang ipatupad ang crackdown noong Nobyembre 3, 2013 ng Saudi government.
Samantala, inatasan ni OWWA Administrator Carmeita Dimzon ang kanyang mga tauhan sa NAIA na pagkakalooban ng magandang serbisyo ang lahat ng mga papauwing OFW lalo't nalalapit na ang kapaskuhan.
Source: Bulgar, Nov. 28, 2013, page 2, Carlito Carlos