Tiniyak ng isang high-ranking government official na tutugisin nila ang sindikatong bumibiktima sa mga menor de edad na kababaihan upang ibenta ang kanilang katawan sa mga parukyanong dayuhan at lokal.
Ito ang binigyang-diin ni Secretary Mar Roxas ng Department of Interior and Local Government (DILG) matapos malaman ang CNN Freedom Project Documentary hinggil sa mga batang babaeng nire-recruit ng sindikato sa probinsiya upang ipasok sa prostitusyon sa Metro Manila.
Ilan sa nakapanayam ng CNN reporter ay ang mga babaeng na-rescue ng awtoridad sa mga casa.
Isang babae na itinago sa pangalang Maria ang 13 beses umanong nakikipag-sex sa customer bawat araw, kung saan tinuturuan silang umaktong birhen dahil sa mas malaki ang bayad.
Binanggit pa sa report na sa datos umano ng United Nations Children's Fund (UNICEF), higit-kumulang sa 100,000 bata ang nagtatrabaho sa illegal sex trade sa Pilipinas.
Ayon naman kay Roxas, ang problemang ito ang isa sa tinututukan ng kanyang tanggapan at ng Philippine National Police (PNP) kung saan hindi sila titigil hangga't hindi nabubuwag ang sindikatong gumagawa nito.
"Isa man o 100 thousand. 'Di dapat nangyayari ito. Nasa radar ng DILG at PNP 'tong problema at tutugisin namin ang mga sindikatong gumagawa nito," diin ni Roxas.
Itinuturing ng kalihim na halang ang mga kaluluwa ng mga taong bumibiktima sa mga menor de edad, lalo na kung magulang pa nila ang nagtutulak para ibenta ang kanilang mga anak.
"Sa impiyerno merong espesyal na kuwarto para sa mga gumagawa nito at sa mga nagsasamantala sa mga kabataan, lalo na kung mga magulang nila," pagdidiin pa ng kalihim.
Source: http://www.abante-tonite.com/issue/june0313/news_story02.htm#.Ua75PKA4IhA