SA KABILA ng ipinatutupad na sapilitang pagpapalikas sa mga Pilipino sa bansang Syria, nagpapatuloy pa rin ang pagpasok ng mga overseas Filipino worker (OFW) sa nasabing bansa ayon sa ulat na natanggap ng Department of Foreign Affairs (DFA).
Ayon sa report ng embahada ng Pilipinas sa Damascus, patuloy ang pagpasok ng mga OFW upang magsilbi bilang mga household service worker (HSW) sa harap ng ipinatutupad na pagbabawal na magtrabaho sa nasabing bansa ang mga OFW.
Mismong ang mga employer na ang nagbabayad sa mga recruitment agency sa Maynila upang kumuha ng mga Pilipinog kasambahay at dumadaan ang mga HSW sa bansang Jordan bago pumasok sa Damascus.
Ayon sa ulat, hinihikayat umano ng mga recruitment agency ang mga OFW na walang babayarang placement fees ang mga gustong magtrabaho sa Syria.
Nitong nakalipas na Disyembre, may tatlong OFW ang pumasok sa Syria sa kabila ng nagaganap na kaguluhan sa nasabing bansa.
Dahil dito, naglatag na ang DFA ng bagong istratehiya upang mailikas ang mga Pilipino sa Damascus.
Sinabi ni DFA Secretary Albert del Rosario na ipatutupad ng kagawaran ang “strategy of extraction” o pagpapaalis sa mga kababayan na kailangang ilikas sa Damascus dahil na rin sa tumitinding tensyon.
Ayon pa sa kalihim, nakikita nila na mas titindi pa ang kaguluhan sa Damascus sa mga susunod na araw kaya kailangan magdagdag ng mga tauhan upang humikayat sa mga Pilipino na lumikas na.
Ipinagdiinan din ng kalihim na mananatiling bukas ang embahada ng Pilipinas sa Damascus upang ayudahan ang mga kababayang nais nang magbalikbayan.
Umaabot na sa 800 Pilipino ang naiuwi na ng DFA simula nang ipatupad ang sapilitang pagpapalikas sa kababayan mula sa Syria noong Disyembre 2011.Freddie Cortez
Source: http://www.remate.ph/2012/02/ofw-patuloy-ang-pagpasok-sa-syria/