Isang Australian national ang himas rehas ngayon at sinampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 10364 (Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2012) makaraang masagip ng mga awtoridad mula sa kanyang cybersex den ang 15 kababaihan noong Miyerkules sa Bgy. Labangon, Cebu City.
Ayon kay Rey Villordon, supervising agent ng National Bureau of Investigation (NBI) ng Region 7, karamihan sa mga nasagip na biktima ay menor de edad na ginagamit umano ni Drew Frederick Shobbrook, 46, sa kanyang iligal na negosyo.
Ang suspek ay tubong Sydney.
Sa imbestigasyon, ginagamit umano ni Shobbrook ang mga biktima sa kanyang kahalayan sa harap ng mga web camera at ginagawa itong negosyo -- sa Internet.
Sinabi ni Villordon na sinusubaybayan na ang kilos ni Shobbrook noon pang nakaraang taon at nang makakuha ng sapat na ebidensiya ay sinalakay na ang kanyang lungga.
Ayon pa sa imbestigasyon, hinihimok ng suspek ang mga babaeng edad 14 hanggang 17 para magtrabaho sa kanya hanggang sa tatlo sa empleyado umano nito ang nagtungo sa NBI para ireklamo sa ginagawa sa kanila.
Nakuha mula kay Shobbrook ang pitong laptop computer, apat na desktop computer, mga camera at iba pang gadget na ginagamit nito sa kanyang cybersex den.
Source: http://www.abante.com.ph/issue/apr2013/vismin03.htm#.UX-QZ6L7JHQ